Thursday, August 01, 2019
Buwan ng Wika 2019
Info source: www.kwf.gov.ph
Hinggil sa Pagdiriwang
Para sa taóng 2019, ipagdiriwang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Buwan ng Wikang Pambansa na tampok ang temang “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.”
Pakikiisa ito ng KWF sa proklamasyon ng UNESCO ng 2019 International Year of Indigenous Languages (IYIL). Higit pa dito, ang pagdiriwang ay isang mahalagang suhay sa ipinatutupad ng KWF na Medyo Matagalang Plano 2017-2020 sa pamamagitan ng mabisang pagpapatupad ng mga pambansang programa para sa patuluyang pagpapaunlad, pagpapayaman, at pagpapalaganap ng mga katutubong wika na makapag-aambag sa higit na kagalingan at kalinangang pambansa ng mga Filipino.
Ang temang “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino” ay hinati sa apat na lingguhang tema:
Linggo 1 (Agosto 5-9): Ako at ang Katutubong Wika Ko
Linggo 2 (Agosto 12-16): Pagbasa at Paglaya: Pagpapalusog ng mga Katutubong Panitikan at Kaalamang-bayan
Linggo 3 (Agosto 19-23): Sarikultura: Multilingguwalismo at Pag-uugnayan para sa Isang Bansang Filipino
Linggo 4 (26-30 Agosto): Pangangalaga sa mga Katutubong Wika, Pangangalaga sa Bansang Filipino
Hinggil sa BNW 2019 Logo
Nagtatampok ang BNW 2019 Logo ng tatlong mahalagang aspekto: (1) pagtatampok ng mga abstraksiyon ng mga disenyong panghabi mula sa iba’t ibang pangkating katutubo sa bansa; (2) pagtatampok ng sari-saring kulay; at (3) pagtatampok sa baybayin na “ka” sa gitna ng logo ng KWF.
Ang mga abstraksiyon sa mga disenyong panghabi ng mga pangkating katutubo sa bansa ay simbolo ng katangiang mapaglahok ng wikang Filipino at ang pagyakap nito sa iba’t ibang katutubong wika sa Filipinas. Ang sari-saring kulay at paghahalo-halo ng mga ito ay simbolo naman sa mithing kaisahan at epektibong daloy ng ugnayan para sa mga katutubong wika sa bansa.
Sa gitna ng lahat ng ito, matatagpuan ang baybayin na “ka” sa loob ng logo ng KWF. Isa itong pagtatanghal at pagpaparangalan ng Komisyon sa mga katutubong wika bilang ubod ng mga mandato ng KWF dahil naniniwala ang ahensiya nasa mga katutubong wika ang pagka-Filipino.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment