Showing posts with label KWF. Show all posts
Showing posts with label KWF. Show all posts

Thursday, August 01, 2019

Buwan ng Wika 2019



Info source: www.kwf.gov.ph 


Hinggil sa Pagdiriwang

Para sa taóng 2019, ipagdiriwang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Buwan ng Wikang Pambansa na tampok ang temang “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.”

Pakikiisa ito ng KWF sa proklamasyon ng UNESCO ng 2019 International Year of Indigenous Languages (IYIL). Higit pa dito, ang pagdiriwang ay isang mahalagang suhay sa ipinatutupad ng KWF na Medyo Matagalang Plano 2017-2020 sa pamamagitan ng mabisang pagpapatupad ng mga pambansang programa para sa patuluyang pagpapaunlad, pagpapayaman, at pagpapalaganap ng mga katutubong wika na makapag-aambag sa higit na kagalingan at kalinangang pambansa ng mga Filipino.

Ang temang “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino” ay hinati sa apat na lingguhang tema:

Linggo 1 (Agosto 5-9): Ako at ang Katutubong Wika Ko
Linggo 2 (Agosto 12-16): Pagbasa at Paglaya: Pagpapalusog ng mga Katutubong Panitikan at Kaalamang-bayan
Linggo 3 (Agosto 19-23): Sarikultura: Multilingguwalismo at Pag-uugnayan para sa Isang Bansang Filipino
Linggo 4 (26-30 Agosto): Pangangalaga sa mga Katutubong Wika, Pangangalaga sa Bansang Filipino


Hinggil sa BNW 2019 Logo



Nagtatampok ang BNW 2019 Logo ng tatlong mahalagang aspekto: (1) pagtatampok ng mga abstraksiyon ng mga disenyong panghabi mula sa iba’t ibang pangkating katutubo sa bansa; (2) pagtatampok ng sari-saring kulay; at (3) pagtatampok sa baybayin na “ka” sa gitna ng logo ng KWF.

Ang mga abstraksiyon sa mga disenyong panghabi ng mga pangkating katutubo sa bansa ay simbolo ng katangiang mapaglahok ng wikang Filipino at ang pagyakap nito sa iba’t ibang katutubong wika sa Filipinas. Ang sari-saring kulay at paghahalo-halo ng mga ito ay simbolo naman sa mithing kaisahan at epektibong daloy ng ugnayan para sa mga katutubong wika sa bansa.

Sa gitna ng lahat ng ito, matatagpuan ang baybayin na “ka” sa loob ng logo ng KWF. Isa itong pagtatanghal at pagpaparangalan ng Komisyon sa mga katutubong wika bilang ubod ng mga mandato ng KWF dahil naniniwala ang ahensiya nasa mga katutubong wika ang pagka-Filipino.

Tuesday, July 25, 2017

Buwan ng Wikang Pambansa 2017

Ipagdiwang natin ang kakayahan ng wikang Filipino na magdulot ng pagbabago sa lipunan. Sa darating na Buwan ng Wikang Pambansa sa Agosto, ating ipagparangalan ang Filipino: Wikang Mapagbago!

Magtungo sa tanggapan ng KWF para sa libreng kopya ng poster. Matatagpuan ang KWF sa ika-2 palapag ng Gusaling Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel, San Miguel, Maynila.

#wikangmapagbago #buwanngwika2017


Click HERE to view/download the DepEd Memo no. 58 s. 2017.

Monday, May 08, 2017

Sumali sa Gawad KWF sa Sanaysay 2017!

Tuntunin

Ang Gawad KWF sa Sanaysay ay bukás sa lahat maliban sa mga kawani ng KWF at kanilang kaanak.

Ang paksa ng sanaysay ay maaaring pagtalakay ng konsepto o resulta ng saliksik sa larang na agham-pangkalikasan, agham panlipunan, matematika, o mga katulad nito.

Kailangang nasusulat sa Filipino ang lahok, orihinal, hindi pa nailalathala, at hindi rin salin mula sa ibang wika. Marapat na hindi ito magkukulang sa 15 pahina at hindi rin sosobra sa 30.

Bilang saliksik, kailangang sumusunod ang paraan ng pagsulat nito sa mga tuntuning nakasaad sa KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat.

Ang lahok ay kailangang may apat (4) na kopyang makinilyado o kompiyuterisado (Font-12, Arial), may dobleng espasyo, at may isang pulgadang palugit sa bawat gilid na nakaimprenta sa short bond paper na may laking 8 ½ x 11 pulgada.  Ang soft copy ng lahok ay kailangang ilagay sa isang compact disc (CD).

Kinakailangang nagtataglay lamang ng sagisag-panulat (pen name) ang dokumento, soft copy man o nakaimprentang kopya.

Kasama ng ipapasang lahok ay isang isang selyadong No. 10 envelope na naglalaman ng hiwalay na pormularyo sa paglahok para sa buong detalye ng may-akda, dalawang retrato (2×2) ng kalahok, at maikling biodata.

Ipadala ang lahat ng kahingian sa:
Gawad KWF sa Sanaysay 2016
Komisyon sa Wikang Filipino
2F Watson Bldg., 1610 JP Laurel St.,
San Miguel, Manila 1005

Anumang pasiya ng Lupon ng Inampalan ay pinal at hindi na maipaghahabol. Lahat ng lahok, nanalo man o  natalo, ay hindi na ibabalik sa mga kalahok at angkin ng KWF ang karapatang mailathala ang mga nagwaging lahok nang walang royalty sa mga may-akda.

Ang gantimpala ay ang sumusunod: una, P30,000.00 at karangalang maging “Mananaysay ng Taon”; pangalawa, P20,000.00; pangatlo, P15,000.00.

Hindi patatawarin ang sino mang mahuhuli nagplahiyo. Kakanselahin ng KWF ang ipinagwaging lahok at hindi na muling makasasali pa sa alinmang timpalak ng KWF.

Hanggang 07 Hulyo 2017, 5:00 nh ang pagtanggap ng mga lahok. Hindi tatanggapin ang mga lahok na ipinasa sa email.

Para sa mga tanong, tumawag sa (02) 736- 2519 para sa karagdagang impormasyon.


Source: KWF website

Monday, April 13, 2015

Pambansang Seminar sa Pagtuturo ng Panitikan Gender Based


Magdaraos ng Pambansang Seminar sa Pagtuturo ng Panitikang Gender Based sa 6-8 Mayo 2015, 8:00 nu-5:00 nh sa GSIS Theater, Financial Center, Lungsod Pasay ang Komisyon sa Wikang Filipino at Paseguruhan ng mga Naglilingkod sa Pamahalaan.

Layunin ng seminar na mapataas ang kamalayang pangkasarian ng mga guro sa pagtuturo ng panitikang gender based. Magkakaroon ng panayam at talakayan hinggil sa iba’t ibang paksang may kaugnayan sa panitikan, wika, at kasarian. Magsasagawa rin ng pakitang-turo sa kuwentong bayan, tula, at maikling kuwento.

Bukás ito sa mga punong guro, tagapag-ugnay, mga guro sa Filipino at panitikan sa elementarya, sekundarya, at tersiyarya na nasa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Walang babayarang rehistrasyon. Para sa pagpapatala, tumawag sa (02)736-2525 lok. 105, (02)708-6972, o mag-email saeinzoely08@gmail.com, o mag-text sa 0932-6348721. I-email o i-text ang buong pangalan at institusyong kinabibilangan. Ang dedlayn ng pagpapatala ay sa 22 Abril 2015.